April 29, 2011

Sa Kagalingan ng Masa (Mga Tagpo sa Likod ng Klinikang Bayan)

 
 

Sagana sa mga kuwento ang bawat araw ng klinikang bayan.

 
 

Bago tumulak sa paroroonan ay nagbi-briefing ang mga kasama hinggil sa mga magiging gawain.

 
 

Sa kagalingan ng ating mga kabarangay. Sina Ka Mark at Ka Dan sa pakikipag-konsultahan sa Sangay ng Partido sa baryo para sa ilulunsad na klinikang bayan.

 
 

Sa Demokratikong Gubyernong Bayan, ang serbisyong medikal ang lumalapit sa mamamayan.

 
 
 

Listo sa Day Care ang batang si Mark John, kaya't natural sa kanya na busisiin din ang isinusulat ng Kasama sa medikal rekord.

 

Inimbitahan si Ka Dino (kaliwa) mula sa kabilang platun na tumulong sa ilulunsad na klinikang bayan. Buong lugod niya itong tinanggap dahil, biro niya, ay may magbibidyu daw.

 

 

Pansamantalang isinandig ang mga baril para sa serbisyong medikal ng hukbong bayan.

 
 

Para sa mga hindi nakapagsanay, maaaring walang malaking kaibahan ang mga hitsura ng mga kagamitan. Pero memoryado ni Ka Dino ang numero at gamit ng bawat isa.

 
 
 

Malilim ang napiling lugar na pagdarausan ng klinikang bayan kaya't hindi naantala ng init ng araw ang pag-check up ng mga kasama.

 
 

Pinakiusapan lamang ng mga kasama ang binatilyong si Tonton na maghatid ng mga gamot sa katabing baryo. Ngunit pagdating ay nagdesisyong ipabunot na rin ang sirang ngipin.

 
 

Hindi lamang basta inaalalayan ng mga Kasama ang ulo ng pasyente, minamasahe din nila ang sentido nito upang marelaks habang binubunutan.Balak ni Tatay Pando na ipabunot ang natitirang apat na ngipin sa taas kaya't kailangang tiyakin ng kasamang medik na kakayanin ng blood pressure ni Tatay Pando ang pagbunot.

 
 

Dahil sa mahusay na rekord ng mga nasa Sangay ng Partido sa baryo, napagkaisa nila ang buong konseho ng barangay upang ipagamit ang barangay hall para sa klinikang bayan.

 
 

Katatapos pa lamang mabunutan ng ngipin ang batang si Joel pero hindi napigilang kainin agad ang kanyang baon na biskwit.

 
 

Unang karanasan pa lang ni Nay Diling (naka-asul) sa akupangtura, kaya't sinamahan siya ng kaibigang si Nay Nita na naging normal ang blood pressure dahil sa akyu.

 
 

Habang inilulunsad ang klinikang bayan sa kanilang baryo, nabali ni wilfred ang kanyang braso sa pag-sirko sa sapa.

 
 

Saan man may masang paglilingkuran, nakatanghal ang mga bandila ng rebolusyong Pilipino.

 
 

Baril sa kaliwang kamay, kasangakapang medikal sa kabila. Si Ka Gerry, isa sa mga kasamang medik.

 
 

Sa isang bahay ilang metro ang layo mula sa klinikang bayan, nakaposte ang ilang pulang mandirigma.

 
 

Ang mga bata. Sa huli'y para sa kanila ang pakikibaka ng mga Kasama.

 
 

Nagawa pang ngumiti ni Janet para sa kamera habang pasan ang nakababatang kapatid na hirap sa paglakad dahil sa sugat sa talampakan.

 
 

Iba't ibang ngipin ang idinadaing, iba't ibang personalidad ang kakanyahan ng magkakapatid na ito.

 
 

Binabantayan ng dalawang bata ang kanilang kalaro habang binubunutan ng ngipin ni Kuya Bing, ang isa sa mga kasamang medik.

 
 

Hindi pa niya nababasa na para sa ubong may plema ang gamot, pero maaaring naunawaan niya nang sabihin ng Kasama na masarap inumin iyon.

 
 

Sa simula'y atubili ang may-ari na gawing lunsaran ng klinikang bayan ang kanilang bakuran dahil malapit lamang ito sa kalsada. Ngunit dahil sa pagpapaunawa ng mga Kasama at ng Sangay ng Partido sa baryo, ay pumayag na ring makapag-ambag nang makabuluhan para matuloy ang aktibidad.

 
 

Inilalarawan ng isang nanay ang maaari niyang maging hitsura kapag nabunot na ang ngipin sa harap.

 
 

Dalawang henerasyon. Subaybay ng tatlong nanay na ito ang kasaysayan ng mga kasama sa kanilang baryo.

 
 

Hindi man siya ang binubunutan ng ngipin, pero kabado si Rochelle habang hinihintay ang nanay na matapos.

 
 

Bata at matanda, masa at hukbo. Hindi lamang klinikang bayan ang direksyong tinatahak ng mga pwersa ng rebolusyon.

 
 

Ibinubudyong ng pagdaan ng mga kasama ang pinakahihintay ng masang klinikang bayan.

 
 

Mainit na pakikipagkamay ang salubong na pagbati ng bawat kasama.

 
 

Pagmamahal ng nanay. Galing pa sa karatig-baryo na nalunsaran na ng klinikang bayan, muling dinala ni Manay Rose (nasa dulong kanan) ang kanyang baby upang muling ma-check up ng mga Kasama.

 
 

May kabigatan ang isang set ng mga pambunot ng ngipin, pero hindi ito nakakaligtaang dalhin ng mga kasamang medik.

 
 

Matapang sa harap ng kaaway. pero kung sa heringgilya... Malayo ang tingin ni Ka Andy habang tinuturukan ng anti-tetanus ng kasamang medik.

 
 

Karaniwang menor na operasyon ang pagtanggal ng cyst.

 
 

Higit pa sa simpleng pagtanggal ng malaking cyst sa talampakan ng pasyente, batid ni Ka Sandy na malaking kaginhawahan ito sa para sa magbubukid na lumulusong sa putik.

 
 

Malaking bentahe ang pagiging metikuloso ng dalawang kasamang medik na ito para lubusang maalis ang cyst sa braso ng pasyente.

 
 

Nang ipakita kay Ka Bing ang litratong ito, natutuwa niyang sinabi na sa hitsura'y para na rin daw silang mga doktor sa mga ospital sa bayan.

 
 

Pagdating sa hustong gulang, natitiyak ng batang si Dalo kung aling hukbo ang sasapian niya.

 
 

Sa di kalayuan mula sa klinikang bayan, nililinis ng mga bata ang kanilang mga improbisadong laruan.

 
 

sinusundan ng dalawang batang babae ang kanilang mga ate sa pagbisita ng mga medik sa isang pasyenteng hindi makapunta sa klinikang bayan.

 
 

Bawat mandirigma ay may nakatokang gawain kahit yaong mga hindi tuwirang imbwelto sa klinikang bayan. Si Ka Raymond ang isa sa mga tumutulong sa pag-igib.

 
 

Tahimik ang kaniyang kapartner sa pagluluto kaya't si Manoy Awel na ang nag-iinisyatiba na bigyang-sigla ang paghahanda ng pagkain ng mga imbwelto sa klinikang bayan.

 
 

Dinatnan ng mga Kasama na nagkokopras si Manoy Jun. Natural na kay Ka Ricky na lumahok sa produksyon ng masa.

 
 

Samantala'y nakikipagtalakayan naman si Ka Dan kay Manay Virgie tungkol sa presyuhan ng kopras.

 
 

Tatlong kasama na pawang may mga karanasan sa pagkakarpintero ang itinalaga ng platun lider para tumulong sa paggawa ng bahay ni Manoy Tonying.

 
 

Makailang ulit na tinawid ng platun ang sapang ito na lumiliko-liko patungo sa baryo sa Ilawod.

 
 

Ang bawat pagbagtas ng mga Kasama sa kanayunan ay laging may mga masang patutunguhan.

 
 

Kumikislap ang mga sapa dahil sa araw, at sa kilapsaw ng tubig sa paglusong ng mga paa ng Kasama.

 
 

Bakpak sa likod, baril sa braso, kagalingan ng masa sa kamalayan.

April 29, 2011

Sa Kagalingan ng Masa (Mga Salaysay sa Likod ng Klinikang Bayan)

Sabik na tinanggap ng mga kasapi ng Sangay ng Partido sa Barangay Mangga ang masayang balita. Matapos ang ilang linggong pagkaantala, maitutuloy na rin sa wakas ang naka-programang paglulunsad ng klinikang bayan ng mga kasama.

Para kay Manoy Nato at sa kanyang mga kakolektibo sa Sangay, ang nalalapit na libreng pagtsek-ap, pagbunot, pag-opera, at pamamahagi ng libreng gamot at mga bitamina ay napakalaking kabutihan para sa mga taga-Mangga. Sa sobrang hirap ng buhay, mabigat na sa bulsa ang bumili ng kahit isang pirasong paracetamol kaya’t higit pang nakaka-bagabag kapag may nagkakasakit sa pamilya. Napipilitan ang masa na magpakasapat na lamang sa di-syentipikong mga paraan sa panggagamot dahil napakamamahal ng mga gamot sa botika. At kung sa mga malalayong pampublikong ospital naman ay pinagpapasa-pasahan lamang sila, pinababalik-balik, pinaghihintay ng matagal, at kung anu-ano pang kuskos-balungos na lalong nakapagpapa-sama sa kalagayan ng maysakit.

Sa bagay na ito, matagal nang iwinaksi ng Sangay ang ilusyon na may matatamo sila sa isang gubyernong sa mayayaman lamang nagsisilbi. Kung paglunas sa sakit at kahirapan ang usapin, malinaw para kina Manoy Nato na ang gubyernong bayan ang totoong umiintindi sa kanilang kapakanan.

Kaya’t gayon na lamang ang kasiyahan nina Manoy Nato nang makipagkonsultahan sa kanila sina Ka Michelle, ang kasamang medik na nangunguna sa gawaing pangkalusugan at pangkagalingan, at Ka Janno, ang Instruktor Pampulitika ng platun ng Bagong Hukbong Bayan na kumikilos sa lugar. Katulad ng nakagawian na, tangan ni Manoy Nato ang nakarolyong notbuk na lagi niyang dala sa mga konsultasyon sa mga kasama hinggil sa mga gawain sa baryo. Nakarekord sa notbuk ang mga napagkaisahan noong nakaraang pagprograma patungkol sa naipagpaliban na klinikang bayan.

Kung babalikan nga ang katitikan ng programa sa pagkilos ng Sangay, dapat ay noong nakaraang Disyembre 2010 pa nailarga ang klinikang bayan na mahigpit nang inaasam ng mga taga-Mangga. Ngunit nahatak ang karamihan ng mga medik ng BHB sa pag-agap sa mga baryong higit na sinalanta ng mga kalamidad sa pagtatapos ng taong 2010. Halos magkakapanabay na pininsala ang mga prubinsya ng Camarines Sur, Albay, at Sorsogon. Nagkaroon ng mga pagguho ng lupa sa Camarines Sur dahil sa mga pag-ulan noong Disyembre. Sa Albay, pinalubha din ng mga landslide at flashflood ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan. Sa Sorsogon naman, Nobyembre pa lamang ay makailang ulit nang bumuga ng abo ang Bulkan Bulusan hanggang sa humantong na nga sa pagsabog. Pinatindi rin ng malalakas at tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan sa Sorsogon ang pinsalang idinulot ng bulkan.

Sabihin pa, ang dati nang bagsak na kabuhayan ng masa ay lalo pang pinadapa ng mga kalamidad. Hindi makapagsimulang magtanim sa mga palayan dahil hindi makatatagal ang mga dalugi sa labis na pagbagsak ng ulan. Ang kalakhan naman ng yaong mas maagang itinanim ay natigmak ng ulan. Samantala’y maliliit at kakarampot naman ang ibinunga ng mga niyog nang sumunod na mga pagkawit. (Kapansin-pansing sinamantala ito ng mga kumprador; batid nilang kakaunti ang bunga ng niyog at ang inaning palay matapos ang matinding pag-ulan kung kaya’t mapagkunwaring itinaas ang presyo ng kopras at palay upang magmukha silang mapagsa-alang-alang sa mga magbubukid.)

Sa pagbungad ng 2011, ang kulumpon naman ng mga baryong kinabibilangan ng Barangay Mangga ang muling pinakatan ng mga kasamang medik upang ipagpatuloy ang naka-programang mga gawain. Sa konsultasyon, nagkumustahan at nagbahaginan ng mga kwento’t karanasan sa nagdaang mga linggo, muling nagtakda ng petsa ng klinikang bayan, at sumunod ang madulas na pagrepaso sa mga natalakay at napagkaisahan noon – na memoryado pa ng Sangay: ang mga karaniwan at di-pangkaraniwang sakit sa baryo; ang lugar na target paglunsaran ng klinikang bayan; sino ang mangangasiwa sa kusina; sino ang magpapa-abot sa mga kababaryo sa bawat sityo; sino ang mangagasiwa sa seguridad; sinu-sino sa komite sa kalusugan ang tutulong sa mga kasamang medik; ang iba pang mga teknikal na pangangailangan at mga detalye. Puno ng sigla ang konsultasyon sa diwa ng kolektibong pamumuno – anu-ano ang mga tungkulin at paano ang mga ito mahusay na pagtutulung-tulungan at paghahati-hatian ng medik tim nina Ka Michelle, ng platun ng hukbong bayan sa pangunguna ni Ka Janno, at ng buong kolektibo nina Manoy Nato.

Pawang nagmula sa maralita at panggitnang saray ng uring magsasaka ang mga kasapi ng Sangay sa Mangga. Si Manoy Nato ang tumatayong kalihim at pinangungunahan niya, sampu ng kanyang mga kakolektibo, ang pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong gawain sa barangay. Huwaran sila sa simpleng pamumuhay at puspusang pagkilos, ng pag-ugat sa kalagayan ng kapwa nila mahihirap, at pagpapakilos sa kanila. Hindi nakapagtataka na sa ilang disposisyon lamang ng mga pasa-bilis* ay muling umarangkada ang pagkilos ng buong baryo para sa ilulunsad na klinikang bayan.

Masigasig na nag-ambag ng pagsisikap ang mga organisasyong masa sa baryo hindi lamang dahil batid nila na para sa kanilang kapakinabangan ang nalalapit na aktibidad, kundi gayundin dahil mataas ang pagkilala at respeto nila sa pamumuno nina Manoy Nato. Kasing-aga pa lamang ng preparasyon, tiwala ang lahat na maidaraos na nga nang matagumpay ang klinikang bayan.

***

Sa karatig-baryo ng Anonas nakabase ang platun ng hukbong bayan. Humigit-kumulang sa tatlong kilometro din ang nilakad nina Ka Michelle at Ka Janno pabalik sa Anonas pagkatapos ng ilang oras na pakikipag-konsultahan sa Sangay ng Mangga.

Inabutan nila ang mga kasama na masiglang nagkukulumpon sa balkonahe ng bahay. Hindi umiimik ngunit halatang tensyonado ang isang mandirigma habang pinupunasan ni Ka Geron ang braso ng kasama ng cotton na may alcohol. Samantalang ang ilang kasama ay nagkakantiyawan hinggil sa ituturok na ineksyon, pinapag-relaks naman ng iba pang mandirigma ang kani-kanilang mga sarili. Sa magiliw na obserbasyon ni Ka Michelle, ang mga kasama, totoong matapang sa mga labanan. Ibang pangungumbinsi pa kung pag-iineksyon na ang usapan.

Naka-iskedyul nang araw na iyon ang ikalawang yugto ng pag-ineksyon ng anti-tetanus sa mga kasama. Dapat nang maiturok agad ang anti-tetanus hindi lamang dahil kailangang-kailangan ito ng mga mandirigma sa umiigting na digmang bayan, kundi dahil na rin brownout sa baryo at masisira ang hindi maituturok na mga toxoid dahil kailangang nakalagak ito sa freezer. Si Ka Geron ang nangangasiwa sa pag-ineksyon. Nakarekord sa kanya kung sino sa mga mandirigma ang nakapag-kumpleto na ng anti-tetanus, at kung sino sa unang pagkakataon ay paliliwanagan ng katangian at bisa ng anti-tetanus. Sa unang ineksyon, kailangan munang mag-skin test upang matiyak na hindi allergic ang kasama. Matapos ang isang buwan, ituturok naman ang pangalawang dosis, at anim na buwan naman ang pagitan sa ikatlo. Sampung taon ang bisa ng anti-tetanus.

Bago mananghalian ay nakumpleto na ang pagtuturok sa lahat ng iskwad, at tinabunan na ni Ka Geron ang hukay na pinagtapunan sa mga karayom, ampule, at cotton. Nakasalang pa ang susunod na gawain sa maghapon. Ikatlong araw ngayon ng klinikang bayan sa Anonas, at ang natitirang iskedyul na lang ay ang pag-tanggal sa cyst ng isang kasapi ng milisyang bayan. Pangungunahan nina Ka Michelle at Ka Geron ang medik tim sa pagsagawa ng menor na operasyon.

Katuwang ni Ka Michelle at Ka Geron ang apat pang mga kasamang medik sa pagpapa-larga ng kanilang mga gawain. Katulad ng marami pang mamamayang kumikilos para sa rebolusyon, ang kolektibo ng mga medik ay nagmula rin sa mga inaapi at pinagsasamantalahan. Karamihan sa anim na kasamang medik ay hindi nakapagtapos ng hayskul. Ngunit sa kanilang dedikasyon na magsilbi sa kapwa nila mahihirap, nagpakahusay sila sa kanilang larangan ng gawain. Sa maraming taon na pagkilos bilang pultaym na mga medik sa sona, natuto sila sa praktika ng mga kapwa medik, at sa hindi iilang pagkakataon na pagpailalim sa mga pormal na treyning at pag-aaral.

Bawat isa sa kolektibo ay may kahalintulad na kasaysayan sa pagiging medik. Nang magpasyang magpultaym sa hukbong bayan, ay kinatulong at sinanay sila ng mga dinatnang kasamang medik sa mga gawain. Nagsimula sila sa paghahanda ng mga kagamitan, pag-iisterilays ng mga kasangkapan, at paghawak at pag-alalay sa mga pasyente. Pana-panahon ay nagbibigay ng pag-aaral at pagsasanay ang mga medik para sa hukbo at sa mga komite sa kalusugan ng mga organisasyong masa. Nagtuturo sila hinggil sa unang lunas at maging combat first aid, paggawa ng mga herbal na gamot, at iba pang batayang kaalaman sa kalusugan at kagalingan. Sa mga pag-aaral at pagsasanay na ito ay nakasasabay at lumalahok ang mga sinasanay, hanggang sa magkaroon na rin ng ispesyalisadong mga pag-aaral at treyning para sa mga itinakdang medik. Dumarating ang mga kasamang propesyunal na duktor, dentista, nars, at mga manggagawang pangkalusugan. At katuwang ang mga nakapagsanay nang medik sa hukbo, naglulunsad ng mga treyning mula sa batayan hanggang abanteng antas.

Matagalan at masaklaw na teorya at praktika ang nagpapaunlad sa mga kasamang medik. Hindi biro ang ilang taon na pag-alam sa samu’t saring pangkaraniwan at kumplikadong mga sakit; o ang pagkilala sa mga sintomas ng mga ito, at ang pagbigay ng angkop na lunas; o ang pagkabisa sa mga kasangkapang medikal, at ang pagmemorya ng mga kaparaanan sa pag-opera. Ngunit para sa mga kasamang medik, ang kanilang husay ay hindi dahil natural sa kanila ang pagiging masinop at mabutingting. Higit sa lahat, ang pag-alintana nila sa kapakanan ng masa ang kumukumpleto sa kanilang pinagsikapang husay sa gawain. Sapagkat walang makakapag-kalag sa ugnayan ng mga kasama at masa na magka-agapay sa buhay at pakikibaka. Hindi mga estranghero ang mga taga-baryo na binibigyan ng libreng serbisyo ng mga medik. Sila ang mga Manoy, Manay, ‘Tay, ‘Nay, Buboy, at Bibi ng mga kasama. Sila ang mga kasalo sa pagkain, nagtitiyak sa kaligtasan ng hukbong bayan, at nagpupunyagi sa mga tagumpay at sakripisyong kaakibat ng pagrerebolusyon. Maaaring kakatwa na magpahayag ang isang nanay na guminhawa na ang kanyang pakiramdam matapos magpakuha ng blood pressure sa kasamang medik. Ngunit para sa mga kasama, hindi kakaiba ang ganito. Batid ng mga medik na nag-uugat ang panimulang lunas sa kapanatagan ng loob ng masang may karamdaman. Unang hakbang na sa kagalingan ng masa ang mabatid na mayroong mga kasamang tunay na may pagmalasakit sa kanila.

At para nga kay Manoy Vener, ang kasapi ng milisyang bayan na ooperahan para tanggalin ang kanyang cyst sa palad, maluwag sa pakiramdam niya na sa wakas ay maaalis na rin ang ilang taon nang sagabal sa kanyang pagtrabaho sa bukid, at wala siyang aalalahaning gastusin. Habang naghihintay sa takdang oras ng pag-opera ay nangingiting isinasalaysay ni Manoy Vener na makabubuwelo na siya sa pagtangan ng kawit at sundang. At tinitiyak niya din na sa pagkakatanggal ng cyst sa palad, mas hihigpit pa ang pag-grip niya sa kanyang isyung karbin.

***

Makilos at lihim ang mga kasama. Sa takbo ng digmang bayan, ang isang pwersang nagsimula sa pagiging maliit at mahina ay kinailangang maging makilos at lihim. Gerilya kumbaga. Sa gayon, mas malawak at malaliman ang pag-abot sa mamamayang kailangang pakilusin para sa digmang bayan. Dagdag pa, hindi natutukoy ng kaaway ang kinaroroonan ng mga mandirigmang gerilya kaya’t hawak ng mga kasama ang inisyatiba sa anumang panahon.

Sa apat na dekada nang pag-abante ng digmang bayan, natuto ang mga kasama at masa sa pagsalig sa angking dunong ng mamamayan, sa listo at lihim na pagkilos, at sa pagmaksimisa sa anumang sitwasyon. Inangkin ng mamamayan ang rebolusyon at ang maaliwalas na hinaharap nito kaya’t bawat katiting na bagay ay pinahahalagahan. Batid nila na bawat pagsisikap na inaruga ay magsusupling ng mga tagumpay, at bawat detalye na ipagwawalang-bahala ay maaaring magdulot ng kapahamakan.

Sa kaso ng paglulunsad ng klinikang bayan, itinuring ng mga organisasyong masa na kanila rin ang aktibidad kaya’t naging masusi ang pagtukoy ng irerekomendang sayt na nagbibigay-kahigtan sa seguridad at kaligtasang medikal ng mga pasyente. Mabilisan din ang naging pagsasaayos ng mga gagamiting upuan, mesa, kurtina , at iba pang pangangailangan. At naging mapamaraan ang mga kasama’t masa sa pagbibigay-pakay sa mga pangkaraniwang bagay sa paligid.

Lingid sa mata ng kaaway ngunit matingkad sa isip ng masa ang mga lugar na pagdarausan ng klinikang bayan. Naging mga gerilyang klinik ang mga bakuran at bahay ng masa, maging ang mga barangay hall at basketball court. Nagkaroon din ng makabuluhang silbi ang mga itinayong Kalahi Center ng reaksyunaryong gubyerno, na hanggang sa paglulunsad ng klinikang masa, ay pawang mga pang-display na istruktura lamang sa mga baryo. Malaki ang naging kapakinabangan ng mga kaserola ng masa sa pag-iisterilays ng mga kasangkapan, at ang mga refrigerator ng mga nakatataas na saray sa baryo upang paglagakan ng mga gamot. Ang mga kalalakihang magsasaka ang nagsilbing mga taga-hakot, o kapag maramihan, ay mga kalabaw at hilada ang nagsilbing taga-deliber ng mga kahon-kahong gamot at bitamina na galing sa mga alyado.

Isa si Manoy Raul sa itinalagang susundo sa mga gamot mula sa Anonas patungong Mangga. Katuwang niya ang isa pang kababaryo sa pagpasan ng mga kahon na inilaan na nina Ka Michelle para sa baryo. Sa pagmartsa ng platun papunta sa Barangay Mangga, sasabay na rin sina Manoy Raul upang igiya ang mga kasama sa bagong tuklas at sikretong daan na maaari nang gamitin ng hukbong bayan sa pagtawid sa magkatabing baryo.

Habang nasa lakaran ay repaso ni Manoy Raul ang iba pa niyang tungkulin. Iniulat na niya kay Manoy Nato, ang kalihim ng kanilang Sangay, ang pakat ng mga milisya na mangangasiwa sa seguridad. Habang nagpapatuloy ang klinikang bayan ay hindi iiwan ng mga milisya ang mga estratehikong pusisyon sa bungad, tagiliran, at likuran ng baryo. Doon sila magmamatyag kapag may mga papasok na dayo at agad na mag-uulat kapag may pangangailangang ikunsidera ang seguridad ng klinikang bayan. Maaaring ipadaan sa cellphone ang ulat, ngunit pangunahin pa ring gagamitin ang walang-mintis na pasa-bilis. Ang mga milisya man ay lulugaran ding maserbisyohan ng mga kasamang medik kapag may karelyebo nang natapos magpatingin sa klinikang bayan.

Kumpiyansa na si Manoy Raul na gagampanan ng mga milisya ang iniatas sa kanila. Ang mga anak naman niya ang inalala. Magpapabunot ng ngipin ang tatlo niyang anak na pawang mga batang babae. Hindi iilang gabi nang nagigising ang mag-asawang Raul at Tinay dahil sa pagdaing ng bunso ng sumasakit na ngipin. Dahil dito’y madalas umabsent sa eskwela ang mga bata. Mas nakadudurog ng damdamin kapag nagkakapanabay ang tatlong anak sa pag-iyak.

Sa gitna ng gabi ay maghahanap si Manoy Raul sa koprasan ng malinis na bao ng niyog na pinagtingkalan, bahagyang idadarang ito at papahirin ang pawis sa loob ng bao sa binilot na cotton, na siya namang isusuot sa butas ng ngipin ng humihikbing anak upang matigil ang pagsakit. Batid ni Manoy Raul na ilang oras lamang ang epekto ng gayong paraan, at alam niya rin na maaaring bukas-makalawa’y magagambala na naman ang pagtulog ng mga anak.

Ngunit ano pa ang kanyang magagawa? Magpunta sa dentista sa bayan? Minsa’y narinig niya ang isang dentistang nagpo-programa sa radyo na pinagagalitan ang mga tagakapakinig dahil hindi raw inaalagan ang mga ngipin. Pero sa loob-loob ni Manoy Raul, hindi sila nagpapabaya. Kung maaari nga lang talaga’y gusto niyang makapagpa-bunot na ng ngipin ang mga anak. Pero sa sitwasyon ng kanilang kabuhayan ngayon ay hindi ito posible. Katulad ng iba pa nilang kapitbahay na maysakit, kung maaari nga lang talaga’y gusto nilang magamot. Pero saan sila maghahagilap ng malaking halaga para pumunta sa duktor o sa dentista? Mahirap nang pag-ipunan ang P250 na bayad sa pinakamurang tsek-ap lang o isang ngipin na bubunutin. Huwag nang kwentahin pa ang pamasahe at mga gamot na bibilhin.

Kaya ang karamihan ng masa, tinitiis na lang ang mga karamdaman. Ngunit pinagsasanib ang himagsik ng kalooban sa pakikibaka ng mga kasama.

Ilang oras na lang at matatapos na ang pagdaing ng mga anak ni Manoy Raul. Sa lakaran ay halos ayaw niyang ilapag ang kahon nang maghudyat ng pahinga ang platun lider. Magiliw na pinagmasdan ni Manoy Raul ang mga nagpapahingang gerilya. Pinapag-sariwa niya sa mga kasama ang iniwang kuwento kanina kung paano’ng sa loob lamang ng ilang sesyon ng pag-akyu* ay nakalalakad na si Manoy Ute na taga- Anonas gayong idineklara na itong baldado ng mga doktor. Habang nagkakawit ay nahulugan ito ng isang tungkos ng niyog. Isinugod na siya kapwa sa municipal at provincial hospital ngunit tinanggihan sa dalawang ospital dahil wala na raw itong pag-asang makalakad. Nakalulugod isiping mahigit isang taon pa lang na nag-aakyu ang kasamang medik na nakapag-pagaling kay Manoy Ute.

Ang mga kasama. Sa maraming pagkakataon nang nakakapiling niya ang mga kasama’y nahinuha niyang hindi lang mga gamot ang dala nila. At ang masa. Tiwala si Manoy Raul na ilang taon na lang at tanaw na ang lunas sa mas mabibigat pa nilang problema.

***

pasa-bilis – manera ng hukbong bayan at masa na nag-iimbwelto ng ilang indibidwal upang magpaabot ng komunikasyon sa mabilis at lihim na paraan.

akyu – akupangtura

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.